1 Cafgu patay, 2 sugatan sa pag-atake
ng BIFF sa North Cotabato

June 22 2017 12:11 PM

Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit habang sugatan ang dalawang iba pa matapos ang ginawang pagsalakay kahapon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Pigcawayan, North Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Isaac Cutay habang sugatan naman ang dalawa pang Cafgu na sina Anghel Verona at Resty Segundera.

Ayon kay Captain Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, ga-graduate pa lamang si Cutay bilang Cafgu Active Auxiliary sa June 27.

Napatay si Cutay sa Brgy. Simsiman matapos magsagawa ng blocking force ang mga Cafgu.

Sinabi pa ni Encinas, na hindi naka-duty kahapon si Cutay subalit nakilala siya ng mga miyembro ng BIFF bilang isang Cafgu kung kaya hinabol at napatay ito.

Samantala, sinabi ni Encinas na pinapayagan na ngayon ng Philippine Army ang may 1,200 na nagsilikas na residente sa mga barangay ng Malagakit, Banucagon at Panatan  na bumalik na sa kani-kanilang tahanan.

Ayon kay Encinas, natapos na kasi ang ginawang clearing operation ng militar sa mga nabanggit na lugar.

 

 

Comments

MOST READ POSTS