12 Koreano timbog sa Makati

May 19 2017 4:51 PM

Aabot sa 12 Koreano ang dinakip ng Bureau of Immigration dahil sa pag-ooperate ng online business scam.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang mga dayuhan ay naaresto matapos magsagawa ng operasyon ang BI intelligence operative sa isang condominium building sa Makati City. 

Mismong ang embahada umano ng South Korea ang humingi ng tulong sa BI para maipadeport pabalik ng kanilang bansa ang mga banyaga na iniutos ng hukuman sa Korea na maaresto dahil sa kinakaharap na kasong large scale fraud.

Modus operandi umano ng nasabing grupo na maghimok ng mga kapwa Koreano na mag-invest sa mga bogus na real estate project sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Immigration Legal Division Chief Arvin Santos na sumasailalim na ang 12 Koreano sa deportation proceedings dahil sa pagiging undesirable alien at pagiging banta sa seguridad ng publiko.

Sa oras na iutos na ng BI Board of Commissioners ang summary deportation sa mga wanted na Koreano, ilalagay na sila sa blacklist ng BI para hindi na muling makabalik sa Pilipinas.

 

Comments

MOST READ POSTS