Ina ng Maute brothers,
10 iba pa inilipat na sa Taguig

June 15 2017 7:15 PM

Farhana Romato Maute

Nasa Camp Bagong Diwa, Taguig na si Ominta Romato “Farhana” Maute, ang ina ng magkapatid na sina Abdullah at Omar Maute na namumuno sa grupong naghahasik ng gulo sa Marawi.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, nakakulong si Farhana sa Special Intensive Care Area (SICA).

Bukod kay Farhana, nasa Camp Bagong Diwa rin si dating Marawi City Mayor Fahad Salic at ang siyam na iba pa na kinasuhan ng rebelyon dahil sa gulo sa Marawi City.

Nabatid na noon pang Lunes ibiniyahe patungo ng Camp Bagong Diwa ang 11 akusado mula sa Cagayan de Oro City matapos silang maisalang sa inquest proceedings.

Nauna nang inilipat sa Camp Bagong Diwa ang ama ng magkapatid na Maute na si Cayamora.

Matatandaan na kasama sa mga hiniling ni Aguirre sa Korte Suprema na italaga ang  SICA sa Camp Bagong Diwa para pagpiitan ng mga mahuhuling myembro ng Maute dahil ang pasilidad ay malapit lamang sa Taguig Regional Trial Court na hiniling din ng Department of Justice na pagdausan ng mga paglilitis sa mga kasong may kinalaman sa gulo sa Marawi.

Pero wala pang tugon ang Korte Supreme sa hirit ni Aguirre.

Comments

MOST READ POSTS