Kakapusan ng suplay ng bigas ibinabala

April 17 2015 2:04 PM

Nanganganib na magkaroon ng kakapusan sa suplay ng bigas sa mgasusunod na buwan.

Ibinabala ito ng Butil Partylist sa harap ng umiiral na El Niño phenomenon sa bansa.

Ayon kay Rep. Agapito Guanlao, bagamat mahina ang umiiral na El Niño, mabagal aniya ang usad nito kaya’t posibleng maramdaman pa ito hanggang sa Setyembre.

Tatamaan anya ang mga palay na sa buwan ng Setyembre at Oktubre nakatakdang anihin.

Sa ngayon, sinabing nasa 30 probinsiya na sa Mindanao ang nakakaranas ng epekto ng El Niño.

“Dahil ito ay mahina pero matagal, ating kinatatakutan ay ang tumagal ito, ang pinaka apektado niyan kung ito ay tatagal hanggang Agosto at Setyembre, ang pagtatanim natin ng palay ngayong rainy season, eh kung ang tag-ulan ay late, eh malaking bahagi ng ating bansa lalo na sa Luzon ay di makakapagtanim ng palay at mais,” ani Guanlao.

Kasabay nito, hinimok ng Butil Partylist ang National Food Authority (NFA) na itaas sa P19 ang kada pagbili sa palay ng mga magsasaka mula sa kasalukuyang P17.50 kada kilo.

Sinabi ni Guanlao na kinakailangang lakihan ng NFA ang pondo para ipambili ng palay ng mga magsasaka bilang tulong lalo na sa ngayong may umiiral na El Niño.

Sinabi ni Guanlao na maliban sa matutulungan ang mga magsasaka, makakatulong rin ito upang mabawasan ang pag import ng bigas.

“Na itong sapat na pagkain na ito ay kailangan una muna ay maitanim o kaya ay produkto ng Pilipinas, kung ito ay kulang dun pa lang natin pinapayagan ang pag-import, unang-una kailangan matulungan muna a g ating mga magsasaka sa pagbili ng palay sa presyo na sila ay kikita,” paliwanag ni Guanlao.

Comments

MOST READ POSTS