Marcos naghain na ng electoral protest

June 29 2016 6:29 PM

File image from Bongbong Marcos Facebook page
File image from Bongbong Marcos Facebook page

Personal na inihain ni Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal ang kanyang election protest laban sa pagkapanalo ni Vice President elect Leni Robredo.

Base sa mahigit 1,000 pahinang petisyon, hiniling ni Marcos na isantabi ng PET ang proklamasyon kay Robredo at siya ang ideklara na halal na bise presidente sa katatapos pa lamang na 2016 elections.

Bukod sa mismong petisyon, kasama rin sa isinumite ni Marcos ang 20,000 pahinang affidavit, certificates of canvass at iba pang supporting document na umano’y malinaw na magpapatunay sa maituturing umanong pinakamalaking pandaraya sa eleksyon na naganap sa kasaysayan ng bansa.

Ayon kay Atty. George Garcia, abogado ni Marcos, sa pamamagitan ng pandaraya, anomalya at mga iregularidad, nadagdagan ang boto ni Robredo habang nabawasan naman ang botong nakuha ni Marcos para palitawin na pumangalawa lamang siya sa eleksyon.

Bahagi ng kanilang kahilingan ay ang reopening ng mga ballot box sa 36,465 na mga ipino-protestang clustered precinct kabilang na ang Cebu Province, Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental, Samar, Isabela, Pangasinan, Cebu City, Zamboanga at Bukidnon na maituturing umanong kanyang balwarte.

Hiniling din niya na mapawalang bisa ang election results sa Lanao Del Sur, Maguindanao at Basilan at magkaroon ng recount sa 22 lalawigan at limang lungsod.

Paliwanag ni Marcos, tatlo ang bahagi ng kanilang petisyon na nagdedetalye kung paano umano isinakatuparan ang dayaan.

Una ay ang iregularidad sa Automated Election System; ikalawa ay ang tradisyunal umanong paraan ng pandaraya gaya ng vote buying, pre-shading at failure of elections; at ikatlo, ang ginawang pagbabago ng Smartmatic sa hash code ng transparency server.

Matatandaan na mahigit 260 ,000 lamang ang kalamangan ni Robredo kay Marcos sa labanan sa pagka-bise presidente.

For MORE of NewsCentral.PH, click below:
News | Nation | Adobo Mix | Sports | Entertainment | Lifestyle | Business | Technology Trending Now | Wild Guess | Eksena ni Kulot

Comments

MOST READ POSTS