Mga magsasaka, posibleng tumigil
sa pagtatanim ng tabako

May 19 2017 2:23 PM

Nangangamba ang mga magsasaka ng tabako na hindi na sila makapagtatanim sa susunod na taon.
Inihayag ni Mario Cabasal,   pangulo ng National Federation of Tobacco Farmers and Cooperatives, ang pangamba kasunod ng paglagda ng pangulong Rodrigo Duterte sa executive order (EO) na nagbabawal sa paninigarilyo sa pampubliko at saradong mga lugar.
Ayon kay Cabasal, maliban sa EO ng pangulo, nauna nang naapektuhan ang kanilang kita nang ipasara ng pamahalaan ang Mighty Corporation na anya’y nangunguna sa pagbili ng mga lokal na tabako.
Sa Region 1 o sa Ilocos pa lamang anya ay may 55,000 na ang nagtatanim ng tabako na apektado ng EO laban sa paninigarilyo.
Dahil dito, sinabi ni Cabasal na may kumikilos na sa kanilang grupo upang umapela ng dayalogo sa Pangulong Duterte.
“Mamamatay na po ang industriya ng tabako sa atin. Ang pinaka tinamaan dito ay kaming mga magsasaka ng tabako, ang aming pamilya at yung mga empleyado ng manufacturers ng sigarilyo”  pahayag ni Cabasal.
New Voice Association
Nagpapasalamat ang grupong New Voice Association of the Philippines kay Duterte dahil sa paglagda nito sa executive order laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay New Voice President Emer Rojas, maraming buhay ang masasagip ng naturang kautusan at makatutulong ito upang hindi na madagdagan ang mga katulad nilang nawalan ng boses dahil sa kanser sa lalamunan na dulot ng labis na paninigarilyo.
“Ikinalulugod po namin ito, kami ay nagpapasalamat sa Pangulong Rodrigo Duterte dahil ito po ay makakasagip pa ng mas maraming buhay.”
Pinayuhan din ni Rojas ang publiko, lalo na ang kabataan na huwag nang subukan ang paninigarilyo dahil ito ay nakakaadik.
Nagsimula aniya siyang manigarilyo noong siya ay 17 taong gulang at mula sa isang stick kada araw ay umabot siya sa dalawang kaha kada araw.
“Kaya para sa ating mga kababayan na naninigarilyo iwasan niyo na kung maaari totally ay itigil na dahil hindi biro ang magiging epekto nito sa inyo.”

Comments

MOST READ POSTS