Moratorium sa deployment ng Pinoy
workers sa Qatar, binawi na ng DOLE

June 15 2017 3:11 PM

File image from OWWA Overseas Workers Welfare Administration Facebook page
File image from OWWA Overseas Workers Welfare Administration Facebook page

Binawi na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang moratorium sa deployment ng mga Filipinong manggagawa patungong Qatar.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello II, ito ay kasunod na rin ng konsultasyon ng kagawaran sa Department of Foreign Affairs (DFA) at abiso mismo ni Foreign Affairs Secretary Alan  Peter Cayetano.

Dagdag ni Bello, bunga na rin ito sa rekomendasyon ng Qatar Philippine Overseas Labor Office matapos ang isinagawang pagsusuri sa sitwasyon ng nasabing bansa na ngayon ay balik na umano sa normal.

Katunayan, may kahilingan pa umano sina Labor Attache David Des Dicang at ang Philippine Embassy para sa deployment ng mga newly-hired na mga manggagawa patungo sa Qatar, partikular na sa Philippine School Doha at Philippine International School-Qatar.

Magkagayunman, patuloy na nakikipag-ugnayan ang POLO sa mga awtoridad sa Qatar sakaling sila ay magkaproblema sa repatriation ng mga distressed overseas Filipino workers (OFW) na pansamantalang nasa Migrant Workers at iba pang Overseas Filipino Resource Center, at para na rin sa sitwasyon ng mga Filipinong kasambahay na nagtatrabaho sa mga non-Qatari employer.

Tiniyak na rin umano ng gobyerno ng Qatar ang kaligtasan ng may 240,000 Pilipino na nasa kanilang bansa, kasabay ng katiyakan na kaya nilang malampasan ang anumang epekto sa kanilang ekonomiya ng kinakaharap nilang diplomatic crisis.

Matatandaang noong nakaraang linggo lamang, pansamantalang ipinatigil ni Bello ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Qatar matapos putulin ang pakikipag-ugnayan ng iba pang bansa sa Middle East dahil sa umano’y pagsuporta nito sa mga terorista.

Comments

MOST READ POSTS