Programang edukasyon sa Mindanao paiigtingin

May 22 2015 12:22 PM

Paiigtingin ng Prelatura ng Isabela Basilan ang mga education program sa rehiyon ng Mindanao kasama ang Caritas Manila, ang social arm ng Archdiocese of Manila sa pangunguna ni Manila Archbishop at Caritas Internationalis President elect Luis Antonio Cardinal Tagle.

Ayon kay Bishop Jumoad, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na edukasyon at mabigyan ng pagkakataon na makapag-aral ang mga kabataan o out-of-school youth lalo na sa kanilang lalawigan na nasasadlak sa kahirapan at mga biktima ng karahasan.

Kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong taon 2015, umaasa si Bishop Jumoad na mas mabigyan ng pagkakataon ang mga bata lalo na ang mga naninirahan sa mga kabundukan na magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral maging sila ay Muslim,Kristiyano, mga katutubo,at iba pang relihiyon.

Iginiit ng Obispo na mahalagang makita at maramdaman ng mga bata na mayroong alternatibo sa buhay na walang giyera at hindi hadlang ang kahirapan sa pagkakaroon ng edukasyon.

“Dito sa Basilan karamihan ng mga bata nakaranas ng iba’t-ibang klase ng karahasan tulad ng giyera, mga ambush, pamumugot ng ulo at iba pa.Kapag binigyan natin sila ng pagkakataon lalo na sa pamamagitan ng scholarship program ng Caritas Manila, makikita at mararamdaman nila na may alternative pala sa buhay na walang giyera, mahalaga talaga ang edukasyon at ipamulat din natin sa mga magulang na hindi hadlang ang kahirapan…”pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam ng Radio Veritas May 22.

Inihayag ni Bishop Jumoad na nagsimula na ang kanilang inisyatibo na pagkalooban ng scholarship program ang mga kabataan sa pamamagitan ng Caritas Manila.

Ayon pa sa Obispo, sa kasalukuyan ay may 35 scholar ang Prelatura ng Basilan kung saan, tatlo sa mga ito ay pawang mga Muslim.

“Hindi ito paraan para anyayahin ang ibang relihiyon na maging convert sa Katoliko, ginawa natin ito para malaman at maramdaman ng mga tao na tayong lahat ay anak ng Diyos at kapwa ko pananagutan ko.”paglilinaw ni Bishop Jumoad sa panayam ng Radyo Veritas.

Ipinagpasalamat naman ng Obispo ang pagtugon ng Caritas Manila at mga benefactors nito sa kanilang layunin na tumulong sa pagkakaroon ng edukasyon sa kanilang mga kabataan at ibang Diocese sa Mindanao.

Comments

MOST READ POSTS