Terorista laban sa terorista na
ang nagaganap sa Maute — AFP

June 26 2017 4:28 PM

Omar and Abdullah Maute

Nagpapatayan na umano ang mga terorista sa loob ng Marawi City.

Ayon kay Lt. Gen. Carlito Galvez, Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command chief, may natanggap silang impormasyon na pinatay ng Maute Group ang ilang miyembro nilang gusto nang tumakas sa lungsod.

Batay anya ito sa kwento ng mga miyembro ng Maute na dinampot ng militar at ligtas na nakatakas mula sa mga kapwa nila terorista.

Kwento umano ng mga nadampot nilang bandido, ayaw nang lumaban ng ilan sa kanilang kasamahan.

Ayon kay Galvez, posibleng hindi inasahan ng ilang terorista na aabot sa ganito katagal ang gulo sa Marawi o di kaya’y hindi naibigay ang ipinangakong pera sa kanila para sa gyerang ito.

Sukol na

Walang dudang na bibigay na sa lalong madaling panahon ang Maute group na kumubkob sa Marawi City.

Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, spokesman ng AFP, malaki na ang nabawas sa kakayahan ng Maute group at isang patunay rito ang pagkakarecover nila sa daan daang matataas na kalibre ng baril.

“Habang dumadaan ang mga araw, lumiliit ang mundo nila at humihina ang kanilang pwersa. Maliwanag ‘yan sa dami na ng bilang ng ating mga nakuhang high-powered firearms at ngayon ay umaabot na sa mahigit 300. ‘Yung kanilang pagkabawas ng kakayahan ay tiyak na makapagpapahina sa kanila,” paliwanag ni Padilla.

Samantala, itinuturing pa lamang ng militar na pawang hilaw na impormasyon ang patay na ang mga lider na Maute group.

Sinabi ni Padilla na magpapalabas lamang sila ng kumpirmasyon sa pagkamatay nina Omar, Abdullar at Oto Maute kapag nakakuha sila ng matibay na ebidensyang magpapatunay sa paulit ulit na impormasyong nakakarating sa kanila.

Una rito, napag alaman sa walong emisaryong nakapasok sa lugar ng Maute sa Marawi City na si Abdullah Maute ang kanilang nakausap.

“Maaaring marami nga pong nagsasabi, pero kapag hindi natin nahanapan ng katibayan katulad ng recovery sa mga labi, hindi muna natin ito inilalagay sa pinal na impormasyon na dapat paniwalaan. Kaya sisikapin natin na makakuha ng maliwanag na ebidensya,” pahayag ni Padilla.

Comments

MOST READ POSTS