Villar pinakamayaman pa ring senador, Pacquiao pumapangalawa

May 18 2017 10:54 AM

Nananatili pa ring pinakamayamang senador si Senator Cynthia Villar base sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) para sa 2016 taxable year.

Sa kanyang  SALN P3,606,034 ,556 ang  net worth ni Villar.

Mas nadagdagan pa ang yaman ni Villar kumpara sa kanyang 2015 net worth na P3,500,565,480. Walang idineklarang utang o liabilities si Villar.

Senator Vicente Sotto III, former senator Panfilo Lacson, and congressman Manny PacquiaoHumahabol naman sa pangalawang puwesto bilang pinakamayaman ang bilyonaryo ring si Senator Manny Pacquiao na nagdeklara ng total assets na P3,422,910,677 pero may utang ito na P350,595,647  at  net worth na P3,072,315,030.

Pangatlo sa pinakamayaman si Senator Ralph Recto na may net worth na P522,610,452.59.  May utang o liabilities si Recto na umaabot sa P87,885,969.84.

Pang-apat si Senator Sonny Angara na may net worth na P124 milyon at may utang o liabilities na P14 milyon.

Pasok rin sa hanay ng mga milyonaryo si Senator Juan Miguel Zubiri na may net worth na P122 milyon, at may liabilities na P66 milyon.

Pang-anim  ang 43 taong gulang na si Senator Sherwin Gatchalian na may net worth na P92 milyon at walang idineklarang utang.

Pang-pito si Senator Grace Poe na may net worth na  nasa P88 milyon at nagdeklara ng liabilities na  P36 milyon. Kabilang sa liabilities ni Poe ang personal loan sa inang si Jesusa Poe na mas kilala sa tawag na Susan Roces na umaabot sa P17,760,000. Ang nasabing utang sa ina ay idineklara na rin ni Poe nang kumandidato itong Pangulo ng bansa noong nakaraang taon.

Pangwalo sa pinakamayamang senador si Senator Franklin Drilon na may net worth na P82 milyon;  sinundan ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na may net worth na P 79,130,483.36.

Pasok sa top 10 na pinakamayaman si Senator  Richard Gordon na nagdeklara ng net worth na nasa P67 milyon.

Pang-labing isa si Senator Vicente Sotto III na bagaman at nagdeklara ng total assets na P152,702,072.52, ang liabilities naman nito ay umaabot sa P89 milyon dahil sa kanyang housing loans, car loans, at credit cards kaya nasa P64 milyon na lang kanyang net worth.

Pang-labing dalawa si Senator Nancy Binay na bagaman na may total assets na P124,233.343, may utang naman o liabilities na P63,749,906 kaya ang natirang net worth ay P60.4 milyon.

Pang-labing tatlo si Senator Loren Legarda na may total assets na P62,436,192.90 pero mayroon naman liabilities na P21,525,000 at net worth na P41 milyon.

 

Sumunod si Senator Panfilo “Ping” Lacson na may net worth na P38,703,615. Sinundan siya ni Senator Bam Aquino na may net worth na P33,860,702.59.

Ang dating senator na ngayon ay kalihim na ng Department of Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano ay pang-labing anim na nagdeklara ng total assets na P29,164,524 pero may parental at housing loan na nagkakahalaga ng P5 milyon kaya ang net worth niya ay P24,132,490.

Milyonaryo rin ang bagong miyembro ng Senado na si Senator Joel Villanueva na nagdeklara ng net worth na P21,519,770.

Pang-labing walo si Senator Gregorio Honasan na walang idineklarang utang at may net worth na P21 milyon.

Samantala, si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III ay nasa pang-labing siyam na puwesto lamang na wala ring utang at nagdeklara ng net worth na P17,734,400.

Magkasunod naman sa listahan  ang mga na-intrigang sina Senator Risa Hontiveros na may net worth na P16.3 milyon at Senator Francis Pangilinan na bagaman ay may total assets na P12,648,724.84 may utang naman na P3.3 milyon kaya ang natirang net worth ay nasa P9 milyon.

Ang nakakulong na si Senator Leila de Lima ay nagdeklara ng total assets na P9,800,246.62, pero may liabilities na P3,182,611 kaya P6.6 milyon na lang ang natira sa net worth nito.

Ang pinakamahirap noong nakaraang taon na si Senator Francis “Chiz” Escudero ay pangalawa na lamang  ngayon sa pinakamahirap na nagdeklara ng net worth na P6.6 milyon. Ang net worth ni Escudero noong 2015 ay P5,847,082.09

Pinakamahirap naman si  Senator Antonio Trillanes IV na may bagaman may total assets na P16 milyon, mayroon namang utang na P9.5 milyon kaya umabot na lamang sa P6.5 milyon ang kanyang net worth.

Kabilang sa mga liabilitites ni Trillanes ang P1 milyon na housing loan; P5.7 milyon na in-house financing; P233,480.26 na car loan; at personal loan na P2.5 milyon.

Comments

MOST READ POSTS